MANILA, Philippines - Isang Pinay worker ang nasawi matapos aksidenteng mabagsakan ng cabinet habang natutulog sa Hong Kong.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), inaantabayanan na nila ang abiso ng Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong para sa pagpapauwi sa mga labi ni Racquel Fortes Espinar, 45, tubong Quezon City.
Sa tinanggap na ulat ng OWWA-POLO sa Hong Kong, naganap ang malagim na aksidente na ikinamatay ni Espinar noong Oktubre 4, 2014 dakong alas-8:00 ng umaga nang umano’y mabagsakan siya ng mabigat na cabinet habang mahimbing na natutulog sa apartment ng employer sa Mau Yip Road, Tseung Kwan.
Idineklarang patay si Espinar nang idating sa pagamutan at positibong kinilala ng kanyang pinsang si Maria Carmen Pamor, isa ring OFW sa HK.
Sa rekord ng OWWA, isang aktibong miyembro si Espinar sa OWWA at sa aksidenteng pagkamatay nito, tatanggap ang kanyang pamilya ng P200,000 insurance at P20,000 burial benefits.
Inatasan na ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang OWWA na ibigay ang lahat ng benepisyo sa pamilya ni Espinar kabilang na ang Education and Livelihood Assistance Program (ELAP), isang scholarship grant-cum-livelihood assistance para sa kuwalipikadong dependent ng aktibong OWWA member. May P5,000 ang inilalaan tulong sa elementary level, P8,000 sa high school at P10,000 sa kolehiyo hanggang sa makapagtapos sa pag-aaral.