MANILA, Philippines - Nakakita ng probable cause ang Ombudsman para kasuhan sa Sandiganbayan kaugnay sa pork barrel scam sina dating congressman Rizalina Seachon-Lanete (Masbate), Samuel Dangwa (Benguet), Rodolfo Plaza (Agusan Del Sur), at Constantino Jaraula (Cagayan De Oro).
Panibagong kaso naman ang haharapin nina Napoles, John Raymund de Asis at iba pang opisyal ng Department of Budget and Management na una nang kinasuhan dahil pa rin sa multi-bilyong pork barrel scam.
Plunder ang isasampang kaso sa dating kongresista at ngayo’y Masbate Governor na si Lanete dahil sa umano’y maanomalyang alokasyon ng P112.29 milyong pork barrel o priority development assistance fund (PDAF) nito mula 2007 hanggang 2009.
Kasama ni Lanete sa kasong plunder sina Napoles at de Asis gayundin ang chief of staff nito na si Jose Sumalpong. Kakasuhan din si Lanete ng graft kasama pa rin si Napoles at iba pa.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, wala isa man sa P112.29 milyong PDAF ni Lanete ang napunta sa mga agricultural at livelihood project na dapat sana’y pinondohan nito.
Kakasuhan naman si Plaza ng 5 counts ng malversation, 5 counts ng graft at 2 counts ng direct bribery. Ayon kay Luy, tumanggap si Plaza ng hindi bababa sa P42.1 milyon mula sa kanyang PDAF.
Si Dangwa ay nahaharap sa kasong malversation at anim na counts ng graft habang si Jaraula ay nakatakdang kasuhan ng tatlong counts ng malversation, tatlong counts ng graft at tatlong counts ng direct bribery.
Mula 2001 hanggang 2010 si Dangwa ay tumanggap ng P54 million komisyon sa kanyang PDAF habang P20.8 milyon ang kay Jaraula.