MANILA, Philippines — Isang bagyo ang tinatayang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ngunit hindi ito inaasahang tatama sa kalupaan.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pangangalanang “Neneng” ang bagyo oras na pumasok ito ng PAR.
Dagdag ng PAGASA na walang direktang epekto ang pang-14 na bagyo ngayon taon hanggang sa lumabas ito sa Linggo.
Base sa Joint Typhon Warning Center ng US Navy taglay ng bagyong may international name na “Phanfone” ang 83 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 101.86 kph.
Kahit walang direktang epekto sa bansa ay sinabi ng state weather bureau na maaaring hilahin ng bagyo ang hangin mula sa hilaga-kanluran, kanluran, at timog-kanluran upang magkaroon ng wind convergence sa Visayas.