MANILA, Philippines - Simula sa Lunes ay apat na araw na lang ang pasok ng mga empleyado ng gobyerno sa National Capital Region bilang solusyon umano sa lumalalang trapik sa Metro Manila.
Sa resolusyon ng Civil Service Commission (CSC) na nilagdaan ni Chairman Francisco Duque, inaprubahan nila ang pagpapatupad ng 4-day work week sa government offices mula alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Ikinatuwa naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang 4-day work week dahil makakabawas anya ito sa bigat ng tapiko sa lansangan.
Ang 4 days work week ay mula Lunes hanggang Huwebes na pasok sa trabaho ng mga gov’t employees o mula Martes hanggang Biyernes.
Nilinaw naman ng CSC na hindi mandatory ang kautusan at depende sa ahensiya kung kaya nitong ipatupad at hindi makakaabala sa trabaho.
Pero dapat anya ay makasunod sila sa panuntunan ng CSC na mayroon silang one-stop shop at hotline duty bago sila magpatupad ng 4-day work week.
Sa panig ng Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na pag-aaralan muna ito kung puwedeng ipatupad sa Palasyo dahil na rin sa pagiging abala ng Pangulong Aquino sa kanyang mga aktibidad.