Abaya, Vitangcol iimbestigahan ng Ombudsman sa MRT 3 anomaly
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan na ng Ombudsman sina Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Jun Abaya, ex Metro Rail Transit (MRT) chief Al Vitangcol at iba pa dahil sa pagpasok ng mga ito sa umano’y maanomalyang kontrata ng MRT 3.
Nahaharap sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-graft and Corrupt Practices Act) sina Abaya; Vitangcol, mga miyembro ng DOTC bids and awards committee (BAC) at negotiating team.
Sa reklamo ng Field Investigation Office (FOI), pumasok sa kasunduan noong December 1997 ang MRT Corporation (MRTC) at Sumitomo Corporation at nag-expire noong June 21, 2010 pero sumailalim sa apat na extension mula June 2010 hanggang October 2012.
Lumitaw na 15 araw bago ang expiration, ang BAC ay nag-adopt ng isang resolusyon ng interim maintenance provider para sa anim na buwan.
October 2012, inirekomenda ng negotiating team na ang proyekto ay i-award sa PH Trans-CB&T joint venture sa halagang $1.15 million kada buwan kung saan October 20, 2012 ang proyekto ay naipagkaloob dito ng walang public bidding.
Napatunayan ng field investigators na walang emergency situation na magpapatunay sa negotiated procurement na naibigay ng mas maaga sa 2010 ang paglilipat ng responsibilidad sa MRTC para sa pagkuha ng technical maintenance sa DOTC.
Sa rekord ng Securities and Exchange Commission, ang Phl Trams ay dalawang buwan pa lamang nagsisimula nang i-award sa kanila ang proyekto na may kapital lamang na P625,000.00.
Lumitaw din na si Vitangcol ay may kaugnayan sa Phl Trams Incorporator na si Arturo Soriano, na kanyang uncle-in-law.
- Latest