MANILA, Philippines – Ang mga basura ang ugat ng naganap na fishkill sa Valenzuela City.
Ito ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay batay sa ginawa nilang pagsusuri sa naganap na pagkamatay ng may P500,000 halaga ng isdang tilapia na naanod sa baybayin ng naturang lunsod makaraang tumama doon ang epekto ng bagyong Mario.
Sa assesment report ng BFAR, bunga ng nagtambak na mga basura sa nabanggit na lunsod na dumaloy sa may palaisdaan sa Valenzuela ay umaabot sa 10 ektarya na nagresulta sa pagkabulok ng mga isda doon na aabot sa 10 metriko tonelada.
Ang pagbusisi ay ginawa ng BFAR makaraang magreklamo ang mga residente sa Barangay Malanday, Valenzuela hinggil sa masangsang na amoy mula sa nabubulok na sangkaterbang mga isda sa may palaisdaan doon.
Mataas din umano ang level ng ammonia nitrogen, nitrite nitrogen at phosphates sa may katubigan doon. Ang ammonia ay galing sa mga basura at animal wastes gayundin sa mga agricultural, domestic at industrial wastes.
Ang phosphates naman ay galing sa agricultural land, urban areas at green areas na lubhang magiging daan ng pagkamatay ng maraming isda.