P322-M ari-arian winasak ng bagyong Mario
MANILA, Philippines - Umaabot na sa mahigit P322-M ang iniwang pinsala ng bagyong Mario, habang halos dumoble naman ang naapektuhang tao na tumaas sa 1.160-M, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC ) kahapon.
Sa kasalukuyan, nanatili naman sa 11 katao ang naitalang nasawi, 12 ang nasugatan, habang 12 pa ang nawawala.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Alexander Pama ang bagyong Mario ay nakaapekto rin sa kabuuang 258,976 pamilya o kabuuang 1,160,050 katao sa 1,126 barangay sa 27 lalawigan sa Regions 1,2,3,4-A,4-B,5,7, Cordillera Autonomous Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Sa nasabing bilang nasa 30, 266 pamilya o kabuuang 129,675 katao ang nananatili sa may 324 evacuation centers .
Naitala naman sa mahigit P321.616 milyon ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura na iniwan ng bagyong Mario kung saan patuloy pa rin ang assessment.
Nasa 2,135 namang kabahayan, 425 dito ang tuluyang nawasak at 1,710 naman ang nagtamo ng pinsala sa Regions 1, III, IV-A, IV B at CAR.
Sarado naman sa trapiko ang 22 pangunahing lansangan kabilang ang 8 sa Cordillera Administrative Region, 9 sa Region 1, apat sa Region III, isa sa Region V sanhi ng mga nabuwal na punong kahoy, landslides napinsalang mga kalsada at natumbang mga poste ng kuryente.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin madaanan ang 81 pangunahing lansangan at anim na tulay sa Regions 1, 3 at CAR habang 370 namang lugar ang baha pa rin sa Regions 1, 3, 4-A, at NCR.
Samantala, naibalik na ang supply ng kuryente sa mga lalawigan ng Apayao, Laguna, Quezon, Batangas at Rizal.
- Latest