MANILA, Philippines - Kinondena ng Malacañang ang ginawang pag-atake ng mga militante kay Budget Sec. Florencio Abad kamakalawa sa University of the Philippines (UP).
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, bagama’t nasa malaya tayong lipunan ay hindi dapat gumagamit ng dahas, pananakot at pananakit sa pagpapahayag ng kani-kanilang paniniwala at sentimyento.
“Violence and threats should not have a place in society,” wika ni Valte matapos kuyugin at kwelyuhan pa ng mga militanteng estudyante si Abad ng dumalo ito sa isang forum sa unibersidad kamakalawa.
“May mali na po siguro kapag ‘yung pagpapahayag na ‘yon ay tumatawid na nagkakaroon ng posibilidad na magkaroon ng threats o kaya ng violence. Mahirap pong makipag-usap kung sumisigaw lamang at hindi nakikinig,” ani Valte.
Kinuyog ng mga estudyanteng militante si Abad matapos ipagtanggol ng DBM chief sa isang forum ang Disbursement Acceleration Program (DAP).