Libu-libong alagang hayop sunod na ililikas sa Albay

MANILA, Philippines - Isusunod nang ilikas ang nasa 35,600 mga alagang hayop kaugnay ng nagbabadyang malakas na pagsabog ng Mayon Volcano sa lalawigan ng Albay.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Bicol Region Director Bernardo Rafaelito Alejandro, kabilang sa mga ililikas ay mga baka, kalabaw, baboy, aso, pusa, manok, itik at iba pa. 

Ngayong Biyernes matapos ang mass evacuation sa mga residente ay agad nilang isusunod ang paglilikas sa mga alagang hayop kung saan ilalagay ang mga ito sa mga ligtas na lugar na maaring puntahan ng kanilang mga amo.

Una rito, nag-alok ng P3 kada araw si Albay Governor Joey Salceda sa mga residente para sa mga alagang hayop upang wala ng maging dahilan pa para magmatigas ang mga itong magsilikas sa 6 kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) na pinalawak hanggang 8 KM Expanded Danger Zone (EDZ).

Kabilang naman sa mga lugar na nasasaklaw ng 6-8 KM EDZ ang mga lungsod ng Tabaco at Ligao; mga bayan ng Malilipot, Camalig, Guinobatan at Daraga.

Dahil sa mga alagang hayop na labis na inaalala ng mga residente ay nagsisibalik ang mga ito sa kanilang tahanan sa kabila ng pagbabawal ng mga disaster officials.

 

Show comments