SISON, Pangasinan, Philippines - Hindi na mahahadlangan ng local government ng lalawigan ang pagputol ng puno sa kahabaan ng Manila North Road para sa road widening project matapos payagan ang pagputol ng puno sa ilalim ng Pangasinan Environment Code of 2012.
Ang road widening sa Manila North Road ay mula sa Rosales, Villasis, Urdaneta City, Binalonan, Pozzorubio hanggang Sison kung saan ay 1,829 na puno ang puputulin.
Tutol ang Sangguniang Panlalawigan gayundin si Gov. Amado Espino Jr. sa pagputol sa mga puno dahil katuwang daw siya sa pagtatanim ng mga ito noong boy scout pa siya.
Pero noong July 2012 ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang Environment Code na aprubado din ni Gov. Espino ang pagputol sa mga puno sa mga national roads kung ito ay sagabal.
“For national roads, a ten-meter from the center line should be free from obstructions and tree planting activities within the ten meter setback and tree planting is not allowed. It shall also include the removal of existing trees and structures affected by road widening within the right of way,” nakasaad sa inaprub na environment code.
Iginiit naman ni dating 5th District Rep. Mark Cojuangco na walang dahilan upang mag-isyu pa ng panibagong permit ang DENR sa pagputol ng mga puno sa highway dahil maliwanag na aprubado naman ito ng environment code ng lalawgan.
“It looks like the provincial officials are contradicting themselves. They passed and approved a Code which allows cutting of trees along the national roads, and now they are saying they are against cutting of trees,” wika pa ni Rep. Cojuangco kamakalawa.
Aniya, ipaglalaban niya ang proyektong road widening na para sa progreso ng lalawigan pero nilinaw na walang katotohanan ang akusasyon ni Espino na siya ay anti-trees dahil siya mismo ang nagsulong ng pagtatanim ng mga puno na hindi magiging sagabal sa kalsada.
Aniya, ang kanyang ama na si dating Ambassador Eduardo Cojuangco Jr. at kanyang ina na si Gretchen ay nagtanim ng 6,000 na acacia tree noong 1960’s bago pa man maging uso ang tree planting.