E-powers dagdag pasanin ng consumers - Solon
MANILA, Philippines - Mahihirapang pumasa sa Kongreso at matanggap ng taumbayan ang emergency powers kung magreresulta ito sa dagdag pasanin ng consumers.
Ito ang inamin ni House Majority leader Neptali Gonzales at sinabing kailangang tiyakin ng dalawang kapulungan na pag-aralang mabuti ang mga scenario na inilalatag ng Department of Energy (DOE) kung saan gagamitin ang emergency powers na hinihingi ni Pangulong Aquino.
Paliwanag ni Gonzales, mahirap i-justify sa publiko kung agad-agad magrerenta ng barges ang gobyerno para tugunan ang kakulangan sa kuryente sa susunod na taon.
Bukod dito, hindi madaling bigyan ng katwiran kung bakit magbabayad ang pamahalaan ng 6 bilyon piso para sa dalawang taong renta sa barges gayung kailangan lamang ang mga ito para sa tatlong buwan ng summer ng 2015.
Kasabay nito, handa naman umano silang bigyan ng otorisasyon ang energy committee ng Kamara na magdaos ng pagdinig kaugnay ng emergency powers kapag naisapormal na ang paghahain ng joint resolution para rito.
Idinagdag pa nito na hanggang sa ngayon umano ay hindi pa nila nalalaman kung anong klaseng emergency powers ang gusto ng Pangulo.
- Latest