MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan na ang anomalya ng “quota system” na lumutang sa Philippine National Police (PNP).
Ang quota system ay ang pagre-remit umano ng P3,000 hanggang P7,000 ng bawat himpilan ng pulisya kada linggo sa kani-kanilang District Offices buhat sa mga illegal na aktibidad.
Sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, kailangang matiyak kung totoo ang alegasyon at ganitong kalakaran sa matataas na opisyal ng PNP.
Hinamon naman ni Sindac ang nag-expose ng nasabing anomalya na lumutang at makipagtulungan sa pulisya sa imbestigasyon.
Sinasabing ang nasabing quota system umano ang dahilan kung bakit gumagawa ng katiwalian ang mga pulis tulad ng hulidap, kidnapping, carnapping bukod pa sa pangongotong at iba pa.
Diin pa ni Sindac, dapat matukoy kung ano ang ugat ng quota system at kung sinu-sino ang nakikinabang dito.
Kaugnay naman ng iniutos na lifestyle check ng Malacañang, sinabi ni Sindac na ‘top to level bottom’ ang kanilang ipatutupad ukol dito.
“The DILG and the Palace will coordinate with BIR to conduct confidential lifestyle check,” sabi pa ng opisyal.