Daanan para sa bisikleta ipinanukala ni Rep. Villar
MANILA, Philippines - Isinulong ni Las Piñas Congressman Mark Villar ang panukalang gagawa ng daanan para sa bisikleta sa mga highway, kalsada at lansangan.
Nais ni Rep. Villar na mabigyan ang mga Pilipino ng daan tungo sa mas mura at mas nakabubuti sa katawan na alternatibong transportasyon upang makarating sa kani-kaniyang destinasyon.
Ipinasa niya ang House Bill 4912, o ang Bicycle Act of 2014 upang maibigay ng alternatibong ito na makakabawas rin sa mga mapaminsalang emisyon mula sa usok ng mga sasakyan.
“Maraming mga Pilipino na nais gumamit ng bisikleta bilang pangunahing paraan ng transportasyon, ngunit hindi magawa dahil sa walang mga daanang pambisikleta sa mga kalsada. Ito ay hindi naman mahirap intindihin dahil delikado ang mag-bike sa mga kalsada kung saan naroon ang mga kotse, bus, at mga trak,” sabi ni Villar.
Sinabi rin niya na ang mga daanang pambisikleta ay maghihikayat sa mga Pilipino na gumamit ng kanilang mga bisikleta. Sa gayon, maaaring masolusyonan ang problema sa polusyon at malalang trapiko, lalo na sa mga lungsod sa Metro Manila.
Nakalagay rin sa panukala ni Villar ang mga obligasyon ng mga nagbibisikleta upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng nasa kalsada gaya ng: sumenyas kapag liliko o kaya kapag may uunahan; lagyan ang bisikleta ng mga reflector o ilaw upang makita ang bisikleta sa gabi; panatilihin ang isang kamay sa manibela; magsuot ng helmet palagi; panatilihin na gumagana ang preno ng bisikleta; at pagsunod sa lahat ng panukalang pantrapiko.
- Latest