'Binay 13% ang kickback sa bawat Makati project'

Dating Makati City Mayor at ngayo'y Bise-Presidente Jejomar Binay. Philstar.com/AJ Bolando, file photo

MANILA, Philippines –  Kumikita ng 13 porsiyento si dating alkalde at ngayo'y Bise-Presidente Jejomar Binay sa bawat proyekto ng lungsod ng Makati, ayon sa isang dating opisyal ng lungsod.

Sinabi ni dating Makati City vice mayor Ernesto Mercado ngayong Huwebes na personal niyang inihahatid ang kickback ni Binay sa tatlong tao na sina Makati Mayor Junjun Binay, Ebeng Baloloy, at Gerry Limlingan.

Dagdag niya na ang bag na may lamang kickback na dinadala niya sa nakababatang Binay ay para sa gastusin ng kanilang pamilya, habang ang bag na inihahatid niya kay Baloloy ay para sa personal na gastusin ng bise-presidente.

Inipon naman ang perang napupunta kay Limlingan para sa kampanya ng nakatatandang Binay.

Si Baloloy ang personal secretary ni Binay, habang finance officer naman si Limlingan.

Sinabi pa ni Mercado na minsan ay nasa P10 milyon ang laman ng isang bag.

Isiniwalat ito ni Mercado sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano'y overpriced na Makati City Hall II parking building.

Show comments