MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay may mga napipisil ng maging running-mate sa 2016 presidential election si Senator Miriam Defensor-Santiago.
Ayon kay Santiago, sa simula pa lamang ay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ang nais niyang maging running-mate at magiging magaling itong bise presidente para sa enforcement dahil ang dalawang pangunahing problema ng bansa ay korupsiyon at peace and order.
Kinokonsidera ring bise ni Santiago si dating Defense Sec. Gilbert Teodoro na tumakbo sa pagkapangulo noong 2010.
Kapwa anya magandang katambal para sa sinumang kandidato sina Teodoro at Duterte.
Pero personal na sinabi umano sa kanya ni Teodoro na “it is now or never” at ipinahiwatig nitong “never” ang kanyang sagot.
Nasa listahan din si Sen. Grace Poe at nagbiro pa si Santiago na tunog restaurant ang kanilang magiging tambalan na Miriam and Grace.
Ikinalugod naman ni Poe ang pagkokonsidera sa kanya ni Santiago na maging running mate nito. Sa ngayon aniya ay hindi pa niya ikinokonsidera ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016.
Inamin ni Santiago na ikinokonsidera niyang tumakbong presidente ng bansa kapag tuluyan na siyang gumaling sa kanyang stage 4 lung cancer sa susunod na taon.
Sa huli, nasa doktor at kanyang kondisyon pa rin anya nakasalalay kung makakatuloy siya sa pagkandidato.