Unang gunman sana kay Enzo Pastor idiniin ang mga suspek

MANILA, Philippines — Lumutang ang bagong testigo ng prosekyusyon ngayong Miyerkules at sinabing siya dapat ang papatay sa race car driver na si Enzo Pastor.

Sinabi ni Alvin Nidua na sakanya unang inialok ng itinuturong mastermind na si Domingo “Sandy” De Guzman ang pagpapatumba kay Pastor, ngunit napurnada ito matapos hindi magkasundo sa presyo.

Dagdag niya na umayaw si De Guzman sa hinihingi niyang P500,000 kaya naman kinuha ng negosyante si Pasay City Police Officer 2 Edgar Angel.

Naaresto si Angel nitong Agosto at sinabing si De Guzman ang nag-utos sa kanya kapalit ng P100,000.

Sinabi pa ng pulis na may relasyon si De Guzman at ang asawa ni Pastor na si Dalia na ngayon ay nagtatago sa kasong parricide at frustrated murder.

Nagulo ang kaso nang bumaligtad si Angel at isinalaysay sa kanyang affidavit na sumusunod lamang siya sa “script” na ibinigay sa kanya ng mga tauhan ng Quezon City police para idiin si De Guzman at Dalia.

Samantala, sinabi naman ng kampo ng pamilya ni Pastor na matibay ang kanilang kaso dahil kinilala ni Paolo Salazar ang gunman na si Angel.

Si Salazar ang kasama ni Pastor nang maganap ang krimen noong Hunyo 12 sa Commonwealth, Quezon City.
 

Show comments