Reward sa ulo ng 8 kidnap-cop

MANILA, Philippines - Inaprubahan ni Pangulong Aquino ang pagbibigay ng reward para mapabilis ang pagtugis laban sa walo pang pinaghahanap na pulis na sangkot sa EDSA robbery/kidnapping na naging viral video matapos ipost sa social networking sites.

Ayon kay Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, inirekomenda niya sa Pangulo ang pagkakaloob ng reward at abangan na lamang ang pag-aanunsyo sa pabuya laban sa mga tinutugis na parak.

Kahapon ay umakyat pa sa 12 ang bilang ng mga suspek sa EDSA robbery/kidnap.

Ito’y matapos ikanta ng naarestong si PO2 Jonathan Rodriguez ang kasamahang si P/Sr. Insp. Allan Emlano, isang AWOL na pulis-Caloocan at dalawa pa. Si Emlano umano ang sakay ng motorsiklong humarang sa biniktimang Fortuner at nagmaneho nito patungong La Loma Police Station.

Naglunsad na ng ma­lawakang manhunt ang mga awtoridad sa 10 pang suspek na sina Sr. Insp. Oliver Villanueva, umano’y mastermind sa krimen; SPO1 Ramil Hachero, PO2 Weavin Masa, PO2 Mark Depaz, PO2 Jerome Datinguinoo, PO2 Ebonn Decatoria, ang nadismis sa serbisyo noong 2006 na si dating Insp. Marco Polo Estrera, Sr. Insp. Emlano, isang John Doe at isang Jane Doe.

Una nang nasakote sina Chief Insp. Joseph de Vera at PO2 Rodriguez.

Hanggang ngayon ay nawawala pa ang P2 mil­yong cash na sinasabing kinuha ng mga suspek mula sa mga biktima.

Ang pera ay pambibili sana ng mga biktima ng heavy equipment.

Bukod sa P2 milyon, kinuha rin umano ng mga suspek ang P56,000 personal cash ng isa sa mga biktima pati ATM ng dalawa at puwersahang pinag-withdraw ng P66,000.

Tiniyak naman ng PNP na walang whitewash sa kaso ng mga pulis.

Umapela rin si PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac sa netizens na huwag mag-atubiling kumuha ng larawan at video sa mga kahina-hinalang tran­saksiyon o aktibidad na posibleng isang akto ng krimen at agad na iposte sa social networking sites.

Nagpaabot din ng pasasalamat ni Sindac sa sinumang nag-upload ng larawan ng insidente ng kidnapping/robbery EDSA, Brgy. Wack-Wack sa Mandaluyong City noong Setyembre 1. Kung hindi dahil sa video, hindi mahahalukay ang eksena na isa palang kidnapping/robbery na pawang mga alagad pa ng batas ang nasasangkot.  

Umapela naman ang Palasyo sa publiko na pagkatiwalaan pa rin ang PNP dahil iilan lang ang mga bugok na pulis kung ikukumpara sa mga mabubuting parak.

Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, hindi kukunsintihin ni Pangulong Aquino ang mga police scalawags na nasangkot sa iba’t ibang krimen. May isinasagawa na ring reporma ang PNP upang mawala ang mga pasaway na pulis.

Show comments