MANILA, Philippines - Patuloy ang pag-aalboroto ng bulkang Mayon sa Bicol at bulkang Taal sa Batangas.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sa nakalipas na 24 oras, ang Mayon ay nagtala ng isang volcanic earthquake at may katamtamang paglalabas ng puting usok.
Patuloy din ang pagluwa ng bulkan ng asupre na may 611 tonelada kada araw.
Ang naturang mga aktibidad ng Mayon ay dulot ng patuloy na pagtaas ng volcanic gas emission at bahagyang pagkakaroon ng magma.
Nananatiling nasa alert level 2 ang bulkan at ipinagbabawal sa sinuman ang pagpunta sa loob ng 6 km danger zone sa paligid nito.
Samantala, dalawang volcanic quakes ang naitala ng Phivolcs sa Taal sa nakalipas na 24 oras.
Patuloy din ang pagtaas ng temperature ng tubig sa may main crater lake ng bulkan at nagkaroon ng pagtaas ng water level doon.
May carbon dioxide (CO2) emission din sa main Crater Lake nito mula 698 tonelada kada araw ay naging 1800 tonelada kada araw.
Nananatiling nasa alert Level 1 ang Taal at patuloy ding pinagbabawalan ang sinuman na lumapit sa may Main Crater nito dahil sa epekto ng toxic gases na nagmumula sa bunganga ng bulkan.