MANILA, Philippines – Ibinasura kahapon ng House Committee on Justice ang tatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III na inihain ng grupong Makabayan bloc.
Idineklara ni Rep. Niel Tupas Jr., chairman ng house committee on justice, na insufficient in substance ang 3 impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Aquino sa boto na 54-4.
Ang mga bumoto lamang ng pabor sa impeachment complaint ay sina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Isagani Zarate, Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Luzviminda Ilagan.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay idineklara naman ng komite na sufficient inform ang tatlong impeachment complaint.
Sa kasagsagan ng debate ay nagkainitan sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na kalaunan ay ipinabura rin sa record dahil ayon sa chairman ng komite na si Iloilo Rep. Niel Tupas ay “irrelevant, not necessary, personal and unparliamentary” ang naging bangayan ng dalawa.
Matapos ang botohan ay gagawa ng report ang komite saka ito ipapasa sa plenaryo para muling pagbotohan kung tuluyan itong ibabasura.
Samantalang nangangailangan naman ng 97 na boto para mabaligtad ang naunang resulta ng botohan.
Itinanggi naman ni Tupas na minadali ang nasabing botohan dahil nabigyan naman umano ng tsansa ang lahat na magsalita sa gitna ng mainit na debate.
Samantala, iginiit naman ng Palasyo na walang pressure ang Malacañang sa mga kaalyado ng Pangulo sa Kamara upang agad na ibasura ang nasabing impeachment complaints.
“Wala pong ginamit na impluwensya ang ating Pangulo o ang pamahalaan. Sa simula’t sapul ay kinilala natin ang tungkulin ng karapatan ng Kamara ayon sa Saligang Batas na magsagawa ng proseso sa pagtanggap at pagdinig ng impeachment complaints katulad niyan,” wika pa ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. (May dagdag na ulat ni Rudy Andal)