VP Binay hinamon ni Erice
MANILA, Philippines - Hinamon ni Caloocan City Rep. Edgar Erice si Vice-President Jejomar Binay na sagutin ang mga akusasyon dito sa halip na magtago sa likod ng mga anak at mga kakampi.
Sinabi ni Rep. Erice, walang government administrator o pribadong sektor ang mangangahas na gumastos ng 2.7 bilyon piso para lamang sa 11 floor parking at office building maliban lamang kung sira ulo ito o korap.
Wika pa ni Erice, ito umano ang dahilan kaya nagtatago si Binay sa kanyang mga anak dahil takot itong humarap sa Senado bunsod sa umano’y halata ang korupsyon at mahirap itong ipaliwanag.
Aniya, dapat magpasalamat pa si VP Binay kina Sen. Allan Peter Cayetano at Antonio Trillanes upang masagot nito ang mga akusasyon laban sa kanya at kanyang pamilya.
Iginiit pa ni Erice, kung nais nitong maging presidente sa 2016 ay dapat pumasa ito sa test tungkol sa integridad at katapatan dahil responsibilidad umano sa mga Pilipino at hindi mawawala ang akusasyong corruption kung hindi ito haharapin ni VP Binay.
- Latest