BIR tuloy ang tax evasion case vs Pacquiao
MANILA, Philippines - Itutuloy pa rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kasong tax evasion na naisampa laban kay boxing champ at Sarangani Rep Manny Pacquiao.
Ito ayon kay BIR Commissioner Kim Henares ay kahit pa nagpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) hinggil dito.
Binigyang diin ni Henares na kahit na magkaroon ng delay sa pagbusisi sa kaso sa pagbubuwis ni Pacquiao pursigido pa rin ang ahensiya na itulak ang kaso hinggil sa pagbawi sa P2-billion tax liability ng mambabatas,
Magugunitang hinadlangan ng Korte Suprema ang utos ng Court of Tax Appeal na maglagak ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao ng P3.3-bilyong cash bond o P4.9 bilyong surety bond para sa utang sa buwis noong 2008 at 2009.
Hinadlangan din ng Supreme Court ang appellate tax court at BIR sa pagpapatupad ng garnishment orders at tax lien sa mag-asawang Pacquiao.
Isa si Pacquiao sa sinasabing may pinaka mataas na bayad sa buwis sa ating bansa pero may tax liabilities pa rin dahil sa di nabayarang buwis sa Pilipinas sa kanyang mga naging laban sa boksing sa abroad.
Una nang sinasabi ni Pacquiao na nabayaran na niya ang mga buwis sa kanyang mga laban sa abroad dahil kinakaltas na ito sa kanyang kita sa mga laban sa boksing sa ibang bansa kaya’t hindi na ito kailangang buwisan sa Pilipinas.
- Latest