MANILA, Philippines - Itinalaga ni Pangulong Aquino bilang bagong associate justice ng Korte Suprema si Solicitor-General Francis Jardeleza.
Ayon kay Communication Sec. Sonny Coloma, ipinadala na ng tanggapan ng Pangulo ang appointment papers ni Jardeleza sa Korte Suprema.
Ang appointment ni Jardeleza ay ginawa ng Pangulong Aquino isang araw matapos tanggapin ng Korte Suprema ang petisyon nito para mapasama sa shortlist ng Judicial and Bar Council na mga nominees para sa bakanteng posisyon sa SC. Si Jardeleza ang ika-5 appointee ni PNoy sa SC.
Nagpasalamat naman ang outgoing Sol-Gen kay Pangulong Aquino sa pagtitiwala nito sa kanyang kakayahan.
May 5 taon pa si Jardeleza upang maupo bilang mahistrado ng Supreme Court dahil 65 anyos na ito at ang mandatory retirement age ng justices ng SC ay 70.