Walang overpricing! — Makati Mayor
MANILA, Philippines - Walang lumitaw na overpricing sa pagpapagawa ng Building 2 ng Makati City Hall sa Barangay Poblacion, Makati sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee rito.
Pinanindigan ng technical audit team ng Commission on Audit (COA) ang resulta ng nauna nilang pagsusuri na walang overpricing sa pagpapagawa ng Building 2.
Sinabi ng COA Technical Audit Specialists (TAS) na lumitaw sa kanilang imbestigasyon na tama at makatwiran ang naging gastusin sa naturang gusali.
Inamin ng isang technical expert sa imbestigasyon na naatasan siyang tayahin ang isang hypothetical building sa Barangay Poblacion, Makati at ikinagulat niya na pinatawag siya ng komite para magsalita hinggil sa gusali na hindi pa niya personal na nakikita.
Idinagdag ni Cuervo Appraisers President/CEO Federico Cuervo na hindi siya makakapagbigay ng depinido at approximate na computation sa presyo ng konstruksiyon dahil na rin sa limitadong datos na ibinigay sa kanya.
Si Senador JV Ejercito na dating nasa construction business ay nagtanong kung ang klase ng lupa ay merong implikasyon sa gastos o halaga. Isinagot ni Cuervo na ang footing at foundation ng gusali ay technically based sa bearing capacity ng lupa.
Sinabi pa ng Senador na malaking bagay ang kalidad ng lupa sa halaga ng produksiyon ng foundation at ng mismong gusali. Karaniwan anya sa mga government construction project na yugtu-yugto ang bidding depende sa badyet at konsiderasyong teknikal.
Iginiit naman ni COA Supervising Auditor Cecilia Caga-anan ang resulta ng imbestigasyon ng TAS na nagsasabing makatwiran ang contract cost.
Batay sa kanilang pagrepaso, tama lang at above-board ang P600 million price para sa footings at foundation para sa Phase-1 construction ng Building-2.
Idiniin ng COA technical specialists na ang halaga ng isang gusali ay natutukoy sa pamamagitan ng klase ng gusali, disenyo, tipo ng lupa, at iba pa at hindi ito dapat ikumpara sa anumang gusali.
Sinabi naman ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay na tinatanggap nila ang imbestigasyon ng Senado at tiniyak sa komite na ganap ang pakikipagtulungan dito ng pamahalaang-lunsod.
- Latest