MANILA, Philippines - Mula sa alert level 1, itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 2 ang kundisyon ng bulkang Mayon sa Albay, Bicol.
Ito ayon sa Phivolcs ay bunga ng pagkakaroon ng bagong lava dome ng bulkan na may taas na 30 metro hanggang 50 metro at may naitala ditong preatic eruption at pagbubuga ng asupre na umaabot sa 500 tonelada kada araw.
Bukod dito, nakapagtala din ng volcanic earthquakes at pagbagsak ng mga bato mula sa bulkan.
Mayroon ding bahagyang ground deformation sa paanan ng bulkan at mahinang magma intrusion rates.
Bunga nito, pinayuhan ng Phivolcs ang sinuman na huwag lalapitan ang bulkan at huwag papasok sa loob ng 6 kilometer danger zone dahil sa inaasahang panganib na maaaring idulot nito sa mga tao.
Ang mga pagbabagong ito ng naturang bulkan ay nagbabadya ng posibleng pagsabog sa mga susunod na araw kayat pinag-iingat ang lahat ng mga residente doon.