Hamon kay Trillanes ‘Magpakalalaki ka’ - Nancy
MANILA, Philippines - Hinamon ni Sen. Nancy Binay si Sen. Antonio Trillanes IV na “magpakalalaki” at “magpakatotoo” sa tunay na motibo nito sa paghahain ng resolusyon para magsagawa ng imbestigayon ang Senado hinggil sa umano’y overpriced na carpark building sa Makati City Hall.
“Sabi ko nga magpakalalaki at magpakatotoo si Sen. Trillanes kasi ‘yung ginawa n’yang resolution, hindi siya in aid of legislation, it’s a demolition job against my father,” pahayag ng senadora sa isang phonepatch interview sa DWIZ.
Pinayuhan din ni Binay si Trillanes na kung seryoso talaga ang huli ay mas mabuting magsampa na lang ito ng impeachment complaint laban kay Vice President Jejomar Binay sa halip na gawing kangaroo court o kaya’y criminal tribunal ang Senado.
Lunes nang maghain ng resolusyon si Trillanes para paharapin sina VP Binay at anak nito na si Makati City Mayor Erwin “Jun Jun” Binay sa Senate inquiry.
Para sa senadora, hindi na kailangang humarap pa sa Senado ang kanyang ama dahil kayang-kaya na ni Mayor Jun Jun ipaliwanag ang lahat ng isyu.
Inihalimbawa din ni Sen. Binay ang ginawang pagtrato ni Trillanes sa Congressional Inquiry kay dating Defense Secretary Angelo Reyes.
Ipinaalala rin nito na Pangalawang Pangulo ang kanyang ipinapatawag sa Senado at hindi ordinaryong opisyal ng gobyerno.
“Hindi na ho mayor ng Makati ang aking ama. Hindi n’ya ho ka-level si Sen. Trillanes. He’s the Vice President of the Philippines. My father will not stoop down to his level,” aniya.
Hinala rin nito may tunay na motibo sa isyung ito. Dahil si Atty. Renato Bondal ay partymate nina Trillanes at Sen. Alan Peter Cayetano sa Nacionalista Party.
Sina Cayetano at Trillanes ay parehong nag-anunsyo ng kanilang kandidatura sa pagka-pangulo at bise-presidente sa 2016.
- Latest