Gusto ng mga ‘boss’ susundin ni PNoy sa term extension

MANILA, Philippines - Ipinahiwatig kahapon ng Malacañang na susundin ni Pangulong Aquino ang kagustuhan ng mga mamamayan na itinutu­ring niyang kanyang ‘boss’ pagdating sa usapin ng term extension o pagpapalawig ng panunungkulan sa puwesto.

Nilinaw ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, na hindi niya sinasabing maa­ring magbago ang isip ng Pangulo kaugnay sa pananatili nito sa Palasyo pagkatapos ng 2016 pero malinaw aniya ang palagi nitong sinasabi na “kayo (ang mga mamamayan) ang boss ko”.

Ayon pa kay Valte, mas mabuting ang Pa­ngulo na mismo ang tanungin sa posibilidad kung maari pang magbago ang isip nito

Tumanggi naman si Valte na maghayag ng opinyon tungkol sa naging pahayag ni Vice President Jejomar Binay na “selfish” o makasarili ang mga kaalyado ng Pa­ngulo na nagsusulong na manatili pa ito sa puwesto pagkatapos ng kanyang termino.

Tiniyak rin ni Valte na hindi naman nalilito o nadi-distract si Pangulong Aquino sa usapin ng pagpapalawig ng kanyang termino o maging sa binuhay na isyu ng Charter Change.

 

Show comments