MANILA, Philippines - Mga patay at mga sanggol ang ilan lamang sa mga nakatala bilang mga benepisyaryo ng mga proyekto ni Senador Jinggoy Estrada na pinondohan ng pork barrel ng naturang mambabatas.
Ito ang sinabi ni Atty. Vic Escalante, graft investigating at prosecuting officer ng tanggapan ng Ombudsman sa isinagawang bail hearing ng Sandiganbayan kahapon kaugnay ng kasong plunder at graft ni Estrada na may kinalaman sa multi-bilyong pork barrel scam.
Ayon pa kay Escalante, wala ni isa mang local officials at benepisyaryo ng mga probinsiya ang nagbenepisyo sa mga proyekto ni Estrada mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilalang pork barrel.
“All the beneficiaries denied receiving the kits funded by the PDAF of Estrada. Some of them disclosed that their relatives or spouses who were also included in the list were already dead, a father of one of the listed beneficiaries said his son is only one year old and seven months,” pahayag ni Escalante sa graft court.
Sinabi ni Escalante na ang kanyang pahayag ay resulta ng isinagawa nilang field interview at pagberepika sa mga sinasabing benepisyaryo ng proyekto ni Estrada mula June hanggang July 2013 sa mga lugar ng Umingan, Pangasinan; Mabitac, Laguna; Agusan del Norte; Surigao del Sur; Carascal; San Agustin; Prosperidad; San Luis; Esperanza at Zamboanga.
Anya, ang mga nakausap dito na ang ilan ay mga local officials at agriculturists ay nagsabing hindi nakinabang sa PDAF ni Estrada.
Sinabi anya ng mga ito na hindi naipatupad sa kanilang lugar ang proyekto ni Estrada, hindi rin sila lumagda sa acknowledgment receipt at delivery report para rito.
Dapat sana’y nakapagpatupad ng livelihood program sa nabanggit na mga lugar si Estrada kaakibat ang pamamahagi ng manicure at pedicure kits at pamimigay ng mga gamit pangsaka.
Kahapon ay dumalo si Estrada sa Sandiganbayan suot ang green polo barong. Dumalo rin sa pagdinig ang ina nitong si Dra. Loi Ejercito at kapatid na si Jude.