MANILA, Philippines - Dahil sa pagkalat ng mapanganib at nakamamatay na Ebola virus, limitado na ngayon ang galaw ng nasa 115 AFP contingent na nagsasagawa ng peacekeeping mission sa Liberia.
Ang bansang Liberia ay isa sa mga bansa sa West Africa na apektado ng outbreak ng sakit na Ebola na kinabibilangan rin ng Guinea at Sierra Leone kung saan 800 na ang death toll, ang pinakamatinding epidemya ng sakit sa kasaysayan ng mundo.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala, binigyan na ng health advisory ang AFP peacekeepers sa Liberia na pinamumunuan ni Col. Glicerio Peralta bunga na rin ng posibleng panganib na maari ng mga itong kaharapin sa nakamamatay na karamdaman.
Kabilang naman sa mga ipinagbabawal ay ang paghalik sa mga hayop tulad ng unggoy, gorilya, chimpanzee, paniki at iba gayundin ang pakikipagkamay at paglapit sa mga taong nagtataglay o may sintomas ng nasabing karamdaman. Nabatid na bahagi ng kultura at tradisyon sa mga bansa sa West Africa ang pagyakap at paghalik sa naturang mga alagang hayop.
Paghuhugas ng kamay bago kumain, manatiling malinis sa katawan at paglalagay ng chlorine sa inuming tubig bago ito inumin.
Tiniyak naman ng opisyal na wala ni isa man sa Phl peacekeepers sa Liberia ang maysakit na Ebola base sa huling pagsusuri sa mga ito.