MANILA, Philippines — Sa susunod na linggo malamang pumasok ng Philippine Area of Responsibility ang pang-10 bagyo ngayong taon, ayon sa state weather bureau ngayong Biyernes.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na malamang Lunes o Martes papasok ng bansa ang bagyo na pangangalanang “Jose.”
Inaasahang dadaan ito sa dulong bahagi ng Hilagang Luzon, ngunit nilinaw ng PAGASA na wala itong magiging direktang epekto sa bansa.
Namataan ang bagyo na may international name na “Halong” sa 1,740 kilometro silangan ng Central Luzon.
Taglay ni Halong ang lakas na 85 kilometers per hour at bugsong aabot sa 100 kph, habang gumagalaw pa kanluran hilaga-kanluran.
Tatlo hanggang apat na bagyo ang inaasahan ng PAGASA na papasok sa bansa ngayong Agosto.
Samantala, uulanin ang Pilipinas ngayong weekend dahil sa pag-iral ng hanging habagat.