MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Budget Secretary Florencio "Butch" Abad ang mga naririnig na komento sa imbestigasyon ng senado sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
"Naka-positibo naman nung nangyari. Sa lahat ng aming natanggap na feedback sinasabi na 'yun naman pala, wala naman palang nakawan dyan wala naman palang iregularidad at puwede naman palang ipaliwanag," wika ni Abad bago ang panlimang State of the Nation Address ni Pangulog Benigno Aquino III kahapon sa Batasan Pambansa Complex sa lungsod ng Quezon.
Nitong nakaraang linggo ay humarap sa senado si Abad para sa imbestigasyon ng Senate Finance Committee sa DAP.
"Kailangan lang siguro dito at mabigay sa Senado ang mga karagdagang impormasyon na kailangan para mabuo ang kuwento ng DAP. Kasi sa totoo lang maganda naman ang kuwento ng DAP."
Nitong buwan lamang ay idineklara ng mataas na hukuman na hindi naaayon sa Saligang Batas ang ilang bahagi ng DAP.
Lumutang ang mga panawagan para sa pagbibitiw ni Abad sa puwesto na ginawa niya ngunit tinaggihan ng Pangulo.
Ilang impeachment complaints na rin ang isinampa laban sa Pangulo ngunit iginiit ni Aquino na hindi napunta sa mali ang mga pondong nakuha sa DAP.
Sa huli ay sinabi ni Abad na sa mga isyung bumabalot sa administrasyon Aquino ay may natututunan sila at ito ang lalong pagbutihin ang kanilang trabaho.
"The issues just make us sharper and more prepared, more careful and more rigorous with our work. In fact in all of these things they make us a better government.”