Mga driver may sariling SONA
MANILA, Philippines - Magsasagawa ng sarili nilang SONA bukas ang grupo ng mga driver sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue, Quezon City na isasabay sa State of the Nation Address ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Goerge San Mateo, national president ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), tatawaging State of the Drivers Address (SODA) ang kanilang gagawin sa Lunes upang iparamdam kay Pangulong Aquino ang kanilang mga sentimyento sa sektor ng transportasyon.
Anya, may mahigit 1,000 driver at jeepney operators ang lalahok sa SODA upang singilin at panagutin si Aquino sa araw mismo ng kanyang ika-limang SONA.
Ang PISTON ay isa sa 21 complainants na nagsampa ng ikatlong impeachment complaint nitong Biyernes laban kay PNoy dahilan sa anila’y paglabag nito sa konstitusyon ng pumirma at pumasok sa kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Amerika.
Binigyang diin pa ni San Mateo na sa kanilang SODA ay iparirinig nila kay Aquino ang halos limang taong pagdurusa at paghihirap na naranasan ng mga driver sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno tulad ng overpricing sa produktong petrolyo, phase out ng mga jeep at AUVs at pagkondena sa DAP at prok barrel ng mga mambabatas.
Makaraan ang pagkilos sa LTO ay saka sila tutulak sa Batasan Complex kasama ang mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Kilusang Mayo Uno (KMU) para ipanawagan ang pagbibitiw sa tungkulin ni Aquino.
- Latest