MANILA, Philippines - May 98 informal settlers o squatter sa Pasay City ang iniligtas ng pamahalaan mula sa mga mapanganib na lugar tulad ng estero, kahapon.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, plano ng pamahalaan na magtanggal ng 200 squatters kada linggo para makaiwas sa posibleng panganib na mararanasan kapag may kalamidad.
Ang iniligtas na informal settlers ay mga nakatirik sa kahabaan ng Estero Tripa de Gallina sa Brgy. 156, Pasay City.
Sabi ni Roxas, ang mga ito ay boluntaryong nagpa-relocate sa ligtas na lugar, partikular sa Brgy. Hugo Perez, Trece Martirez, Cavite. Habang may 40 pang ISFs ang isinasailalim sa proseso ng relocation action center.
Giit ng kalihim, patuloy na ipapatupad ng pamahalaan ang Oplan Likas sa mga residenteng nakatayo sa mga delikadong lugar, partikular sa mga estero, o creek na maaring maapektuhan ng pagbaha kapag may bagyo.
Samantala ayon kay Egildo Cajuntoy, 52, na naninirahan sa Estero de Galipa simula noong 1997, boluntaryo siyang magpa-relocate sa ilalim ng nasabing programa upang mailayo niya sa kapahamakan ang kanyang pamilya.
“Gusto ko na talagang magkabahay kaya nung mag-offer ng relokasyon, pumayag na ako. Isa pa, may pangako na tulong na magagamit na panimula sa paglipat.”
Ang package support na matatanggap ng ISFs sa ilalim ng programa ay kabilang ang housing unit, sa kaso ng Estero Tripa de Galina, P24,000, P35,000 nito ay isa-subsidized ng pamahalaan na may isang taong moratorium.