MANILA, Philippines - Dalawang batalyon o mahigit 600 sundalo ang idedeploy ng Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) upang tumulong sa PNP sa pagbibigay seguridad sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa Lunes, Hulyo 28 sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City.
Ayon kay Brig. Gen. Manuel Gonzales, Commander ng JTF-NCR, magdedeploy ang kaniyang command ng anim na Civil Disturbance Management (CDM) companies upang tumulong sa Super Task Force Kapayapaan SONA 2014 ni NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria.
Magdedeploy din ang JTF–NCR ng mga K9 units gayundin ang Explosive and Ordnance Disposal (EOD) teams.
Nilinaw naman ni Lt. Col. Harold Cabunoc, pinuno ng 7th Civil Relations Group na may hurisdiksiyon sa NCR na wala silang namomonitor na anumang banta sa SONA ng Pangulo pero mas mabuti na aniya ang nakahanda sa lahat ng oras at ng hindi mabulaga sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Samantala, isinailalim na sa full alert status nitong Biyernes ang NCRPO bilang paghahanda sa SONA ni Pangulong Aquino.
Sa darating na Lunes ay nasa 10,000 pulis naman ang idedeploy para mangalaga sa peace and order.
Bukod sa SONA ay nakaalerto rin ang PNP bilang paghahanda sa centennial celebration ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan at maging sa pagtatapos ng Ramadan o Eid’L Fitr sa Martes, Hulyo 29.