MANILA, Philippines - Nagtungo kahapon sa Malacañang ang mga grupong sumusuporta sa Freedom of Information Bill (FOI) para hilingin kay Pangulong Aquino na isama sa kanyang speech sa SONA ang FOI bill.
Pinangunahan ng grupong Right to Know, Right Now! Coalition ang paghahain ng 3,000 pahinang dokumento na nagtataglay ng 38,200 lagda ng mga sumusuporta sa agarang pag-apruba ng panukala.
Kabilang sa mga signatories ay mga journalist, overseas Filipino workers, mga negosyante, mga estudyante at academic sector.
Nauna rito, inihayag ni Pangulong Aquino na hindi niya masesertipikahang urgent measure ang panukala pero ginagarantiyahan ng Presidente na papasa ito bago matapos ang kanyang termino sa 2016.
Tinanggap naman ni Presidential spokesman Edwin Lacierda ang mga dokumento.
Pumasa na sa Senado ang FOI bill na layong mabigyan ng access ang publiko sa mga impormasyon na may kinalaman sa mga transaksyon sa gobyerno.