Enrile sinuspinde ng 90 days
MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Sandiganbayan 3rd division ng 90 araw sa tungkulin si Sen. Juan Ponce Enrile dahil sa kasong plunder at graft na may kinalaman sa pork barrel scam.
Ang hakbang ay bilang pagtugon ng graft court sa mosyon ng prosekusyon na humiling dito na suspendihin sa posisyon si Enrile upang hindi magamit ang tungkulin para takutin ang mga saksi sa kaso at ma-tamper ang mga ebidensiya kaugnay ng kaso.
Idiniin ng prosekusyon na alinsunod sa batas, ang isang opisyal ng pamahalaan na nasasangkot sa anumang kaso ay dapat na masuspinde sa tungkulin.
Binigyang diin naman ni Atty. Estelito Mendoza, abogado ni Enrile na Senado lamang ang dapat na dumisiplina kay Enrile at magsuspinde rito.
Kaugnay nito, hindi naman nakahabol si Janet Napoles sa pagdinig ng graft court sa kanyang mosyon na makapagpiyansa sa kasong graft at plunder kaugnay ng pork scam dahil late na itong dumating.
Si Napoles ay dumating sa Sandiganbayan ng alas-12 ng tanghali may ilang minuto nang natatapos ang naturang pagdinig.
Kinuwestyon naman ni Sandiganabyan 3rd division chair at presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang si Atty. Stephen David, abogado ni Napoles, kung bakit wala sa hearing ang kliyente.
Sinabi ni David na hindi nila alam kung anong oras maaaring dumalo sa hearing si Napoles dahil inisyu lamang ang utos nitong Huwebes.
Una nang inutos ng Sandiganbayan na masuspinde rin ng 90 days sa tungkulin sina Sens. Bong Revilla at Jinggoy Estrada dahil din sa kasong graft at plunder.
- Latest