MANILA, Philippines - Nanawagan ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Senado na imbestigahan si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Alan Purisima sa paraan ng paggastos nito sa mahigit P3 bilyong pondo mula Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay VACC Chairman Dante Jimenez, hindi na maaasahan ng publiko ang Executive Department sa pagsisiyasat sa PNP.
Idinagdag pa ni Jimenez na tiniyak sa kanya ni dating Police General at ngayon ay Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil na ang bayad sa pensyon at mga benepisyo ng mga pulis ay kasama sa annual budget ng PNP.
“Ang problema kasi is nada-divert yung budget so it’s a matter of making them accountable,” dagdag ni Jimenez.
Batay sa dokumento mula sa Department of Budget and Management, tumanggap ng pondo ang PNP mula sa DAP para sa hiring ng mga bagong pulis, procurement ng karagdagang equipment tulad ng patrol cars at firearms, konstruksyon ng mga bagong istasyon ng pulisya at upgrading capabilities.
Pinakamalaking pondo ang inilaan ng pulisya sa kanilang modernization program na umaabot sa P2 bilyon.
Sa kabila ng napakalaking pondo ng pulisya, patuloy na lumalala ang peace and order situation sa bansa batay na rin sa araw-araw na mga krimeng napapaulat.