SC naglipat din ng pondo, parang DAP – PNoy
MANILA, Philippines — Hindi pa nauubusan ng bala si Pangulong Benigno Aquino III para sa kanyang mga tirada sa Korte Suprema na nagdeklara na hindi naaayon sa Saligang Batas ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinabi ni Aquino ngayong Miyerkules na kahit mismo ang mataas na hukuman ay naglipat ng mga sobrang pondo upang mapabilis ang ibang proyekto, tulad ng layunin ng kontrobersyal na DAP.
"Naidiin pa ang paninindigan natin na naaayon sa batas ang DAP dahil ang mismong Korte Suprema ay sumang-ayon din sa ganitong mekanismo," wika ni Aquino sa kanyang talumpati sa ika-150 kaarawan ni Apolinario Mabini.
Isiniwalat ng Pangulo na noong Hulyo 2012 ay pinondohan ng Korte Suprema ang P100-milyon proyekto para sa Manila Hall of Justice, kung saan hinugot ang pera mula sa natirang P1.865 nilang pondo.
Sinabi ni Aquino na sa Department of Justice nakalista ang proyekto noong 2012, kagawaran na nasa ilalim ng ehekutibo.
"Malinaw po: ang pera po ng hudikatura inilaan nila para sa proyektong ehekutibo dapat ang gumagawa," banggit ni Aquino.
Tinukoy pa ni Aquino ang isang resolusyon ng mataas na hukuman kung saan hiniling nila sa Department of Budget and Magement (DBM) na ilipat sa kanila ang P100 milyon pondo ng DOJ-Justice System Infrastructure Program noong 2012.
Idinahilan ng mataas na hukuman na gagamitin ang ililipat na pondo para sa pagpapagawa ng Malabon Hall of Justice.
"Ipinalilipat po nila ang mga pondo para maipatayo ang mga gusaling magbabahay ng mga korte. Wala naman po tayong nakikitang masama rito, dahil alam nating mapapabilis nito ang sistemang pangkatarungan sa bansa," sabi ni Aquino.
Sa huli ay iniatras ng Korte Suprema ang kanilang kahilingan sa DBM nitong Disyembre 2013 kung kailan kasagsagan ng isyu ng DAP.
"Pero malinaw na naman po sa mga halimbawang ito ang pagtatangkang magsagawa ng tinatawag nilang cross-border transfer, o ang paglalaan ng pondo mula sa isang sangay ng gobyerno tungo sa ibang sangay.”
Muling iginiit ng Pangulo na napunta sa tama ang mga pondong inlipat sa bisa ng DAP.
Inihalintulad ni Aquino ang kanyang ginagawa sa naging hakbang noon ni Mabini na nakiusap sa lehitura na magtulungan para sa bayan.
"Nanawagan din siya (Mabini) sa lehislatura noon: Magtulungan naman tayo, at huwag sanang itali ang kamay ng ehekutibo, upang hindi lumipas ang pagkakataong mapabilis ang pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.”
Sa dulo ay sinabi ni Aquino na wala siyang balak labagin ang desisyon ng korte.
- Latest