MANILA, Philippines - Nanatili ang lakas ng bagyong Henry kung saan ay apat na lugar na sa bansa ang nakataas sa Signal number 1.
Ganap na alas-11:00 ng umaga kahapon, si Henry ay namataan ng PAGASA sa layong 480 kilometro ng silangan ng Casiguran, Aurora taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 130 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 160 kilometro bawat oras.
Si Henry ay kumikilos pa hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro.
Nakataas na sa signal number 1 ang bagyo sa Batanes Group of Islands, Cagayan kasama ang Babuyan at Calayan Group of Islands.
Ngayong Martes, si Henry ay inaasahang nasa layong 220 kilometro silangan ng Basco, Batanes, nasa 360 kilometro hilagang kanluran ng Basco, Batanes sa Miyerkules ng umaga at sa Huwebes ay inaasahang 700 kilometro hilagang kanluran ng Basco, Batanes o nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa nabanggit na mga lugar na maging handa at mag-ingat para makaiwas sa epektong dulot ng naturang bagyo.