MANILA, Philippines - Now, it’s black versus yellow…
Magluluksa ang mga Hukom, miyembro ng judiciary at court employee sa bansa sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim para magdeklara ng kanilang sariling ‘giyera’ sa umano’y pagbatikos ng Pangulong Benigno Aquino III sa desisyon na ipinalabas ng Korte Suprema na nagdedeklarang unconstitutional ang ilang bahagi ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ang pagsusuot ng itim ng mga Judge, court employee at trial court sa bansa ay isasagawa sa Lunes.
Sa exclusive interview ng STAR sa mga opisyal ng Judges Organization sa Metro Manila na humiling na huwag nang tukuyin ang kanilang mga pangalan dahil sa baka gawan sila ng ‘vindictive action’ ng Chief Executive ay nagsabing tatapatan nila ang panawagan ng Pangulong Aquino na mag-suot ng dilaw.
Inihayag ng grupo na maging ang mga hukom at mga empleyado ng hukuman ay hindi natutuwa sa hakbang ng mga kaalyado ng administrasyon sa Kongreso para i-abolish ang Judiciary Development Fund (JDF), lalo na’t maliit na appropriation lamang para sa hudikatura sa national budget, na nasa halos isang porsiyento lamang sa mga nakalipas na taon.
“We don’t have DAP or PDAP. Why do they want us to also suffer the consequence of their funds? Sabi ng isang Judge.
Sinabi ng hukom, ang kanilang partisipasyon sa ‘silent protest ay boluntaryo lamang at walang kinalaman ang Kataas-taasang Hukuman.
Plano ng grupo na muling magsuot ng itim sa darating na July 28 kung saan ay inaasahang ihahayag ng Pangulong Aquino ang kanyang ikalimang SONA.
“We will do this until they stop threatening the independence of the judiciary, including our fiscal autonomy,” pahayag pa ng mga Judge.
Nabatid na may kabuuang 2,000 Judges sa bansa habang 27,000 naman ang mga empleyado sa korte.
Ang gagawing aksiyon ng grupo ay sinasabing para sa kapakanan ng kanilang institution.
Nagbanta rin ang grupo na lalabas sila ng lansangan kapag ang executive at legislative branch ng pamahalaan ay tuluyang hindi irerespeto ang judiciary.