Constitutional crisis, malabong mangyari -Solon

MANILA, Philippines - Iginiit ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga na ma­labong magkaroon ng constitutional crisis sa bansa dahil sa pagbatikos ng Pangulo sa Korte Suprema.

Ayon kay Barzaga, hindi mangyayari ang  constitutional crisis dahil hindi nanghimasok ang Pangulo sa kapangyarihan ng Korte Suprema sa halip ay kinilala pa nito ang authority ng Tribunal bilang co-equal branch ng pamahalaan.

Nais lamang aniya ng mga kritiko ng Presidente na ilagay sa kahihiyan at kabaluktutan si PNoy para pagmukhaing nanlalamang at nanghihimasok ang Ehekutibo sa Hudikatura.

Ang balak na paghahain ng motion for reconsideration ng Pangulo ukol sa DAP ay nangangahulugan na kinikilala nito ang kapangyarihan ng SC.

Matatandaan na bago pa man desisyunan ng SC ang DAP ay itinigil na ito ng Pa­ngulong Aquino kaya walang ‘open resistance’ dito si PNoy at hindi tamang pagbintangan na ginagamit nito ang DAP.

Binuo lamang umano ni Budget Sec. Butch Abad ang DAP sa mga panahon na wala namang umiiral na utos ang SC sa paggamit ng budgetary savings.

Hinikayat ni Barzaga ang Korte Suprema na silipin muli ang isyu at ikunsidera ang presumption of innocence, good faith at regularity sa pagtupad ng tungkulin gayundin ang Administration Code bago maglabas ng final ruling sa DAP.

Show comments