Enrile 'di nagpasok ng plea

MANILA, Philippines — Tumangging maghain ng plea ngayong Biyernes si Senador Juan Ponce Enrile matapos basahan ng sakdal sa Sandiganbayan para sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.

Sa halip ay ang Third Division na ng anti-graft court ang nagpasok ng "not guilty" plea para sa 90-anyos na senador.

Samantala, "not guilty" naman ang hirit ng itinuturong pork barrel scam master mind na si Janet Lim-Napoles.

Kahapon ay sinubukang ipagpaliban ng kampo ni Enrile ang pagbabasa ng sakdal dahil sa kanyang kalusugan.

Matapos sumuko nitong nakaraang linggo ay pumalo ang kanyang blood pressure sa 200/90 dahilan para dalhin siya sa Philippine National Police General Hospital.

Sa kanyang pagharap sa korte kanina ay sinamahan siya ng medical team kung saan may suot pa siyang Holter monitor para sa kanyang puso.

Hindi naman sumipot ang kapwa akusado ni Enrile na si Attorney Jessica "Gigi" Reyes dahil kasalukuyan itong nasa ospital kasunod makaranas ng seizures.

Show comments