JV dumalaw kay JPE; Jinggoy hindi binisita
MANILA, Philippines - Dinalaw kahapon ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito ang kapwa senador na si Sen. Juan Ponce Enrile na pansamantalang nakadetine ngayon sa Philippine National Police General Hospital.
Gayunman, hindi binisita ni Ejercito ang kanyang kapatid sa ama na si Sen. Jinggoy Estrada na nakakulong naman sa PNP Custodial Center na nasa loob din ng Camp Crame.
Aminado si Ejercito na nais niyang makita ang kapatid pero batid niyang mainit pa ang sitwasyon sa pagitan nila kaya hindi na muna siya nagpumilit na tumungo pa sa PNP Custodial Center pero tiniyak na darating din ang pagkakataong mabibisita niya si Jinggoy.
“Next week sana makadalaw na ako kay Jinggoy, magdadala ako ng foods, kare-kare yung buntot, slightly excited na nga ako, next week na lang babalik ako,” ani Ejercito.
Mayroon din aniya silang hindi pagkakasundo ng kapatid bago pa man ito nakulong kaya’t maigi aniyang mapalamig na muna ang sitwasyon.
Magugunita na ikinasama ng loob ni Jinggoy ang pagpirma ni JV sa committee report para isulong ang imbestigasyon laban sa mga akusado sa pork barrel scam.
Samantala, ikinuwento naman ni Ejercito na hindi naman umaangal si Enrile sa kalagayan nito sa ngayon at sa katunayan ay nagpapasalamat pa siya sa mga pulis.
Sinabi ni Ejercito na maliit talaga ang kuwarto ni Enrile at hindi halos magkasya ang mga bisita nito kaya sa labas na lamang sila ng kuwarto nagkuwentuhan.
“Sa labas nga ng kuwarto kami nagkuwentuhan kasi talagang maliit lang ang kuwarto niya, isang kama at isang cabinet lang ang kasya doon,” sabi ni Ejercito.
Tumagal ng 45 minuto si Ejercito sa pagdalaw kay Enrile at nakasabay umano si dating Cagayan Rep. Jack Enrile at si Cagayan Gov. Alvaro Antonio.
“Sana lang kahit wala ng wifi ay payagan siyang mahawakan yung kaniyang i-Pad, paborito kasi niya ang maglaro ng ‘Bejeweled games’ para mapanatiling matalas ang kaniyang pag-iisip,” sabi ni Ejercito na hindi rin umano nakapag-selfie photo kay Ernile dahil baka masita at higpitan pa ito ng mga guwardiya.
- Latest