MANILA, Philippines - Isinampa na sa tanggapan ng Ombudsman ang kasong impeachment laban kay Pangulong Noynoy Aquino.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Atty. Oliver Lozano, abogado ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na lumabag umano sa Konstitusyon si Pangulong Aquino nang sabihin ng Korte Suprema na unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ng pamahalaan.
Ang ground ng complaint ni Lozano ay betrayal of public trust at hindi lamang ito dahil sa unconstitutional na DAP kundi dahil sa kabiguan umano ng gobyerno na epektibong aksyunan ang problema ng mga naaapektuhan ng Zamboanga siege at bagyong Yolanda.
Kinumpirma naman ni Kabataan partylist Rep. Terry Ridon na natanggap din ng kanyang opisina ang complaint ni Lozano at pag-aaralan niya ito at kung may makikita siyang bigat sa laman nito ay pwedeng i-incorporate sa ihahain nilang sariling impeachment complaint sa Kamara.
Noong October 2013, nagsampa rin si Lozano ng kahalintulad na kaso laban kay Aquino sa tanggapan ng Ombudsman dahilan sa umano’y iregularidad sa usapin ng DAP.
Malaki ang paniwala ni Lozano na si Pangulong Aquino ay guilty sa paglustay sa P72 bilyong pondo na dapat sana ay savings ng mga ahensiya ng pamahalaan na aaprubahan ng Kongreso.
Si Lozano rin ang nagsampa ng kaso laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo noong June 2005 dahilan sa umano’y ginawang pakikipag-usap nito kay noo’y Comelec Commissioner Virgilio Garcillano pero ito ay nadismis dahil sa technical deficiency.