MANILA, Philippines - Nagpapasaklolo sa Bureau of Immigration ang negosyanteng Korean na si Kang Tae Sik na miyembro ng grupong Korean Association of the Philippines sa umano’y panggigipit na dinaranas nito sa bansa mula sa mga Filipino na naging abogado nito sa mahabang panahon sa bansa.
Nabatid na sumulat si Department of Justice Secretary Leila de Lima kay BI Commissioner Seigfred Mison upang pag-aralan kung may sapat na dahilan upang ipatapon pabalik ng Korea ang nasabing negosyante bunsod ng reklamong inihain ng dating abogado nito.
Sinasabing nakarating sa mga abogado ni Kang na ipinakakalat na sa mga miyembro ng KAP ang nasabing memorandum na may petsang Mayo 19 na nag-ugat ang reklamo sa inihain ng Tan Federis and Associate Law Office sa pangunguna ni Atty. Alex Tan na multi-million deportation complaint.
Giit pa ni Kang na walang sapat na basehan ang reklamong deportation dito ng nasabing law firm at sa halip ay may halong paghihiganti umano ang kaso dahil sa inalis ng una ang serbisyo ng huli bilang legal adviser sa kanyang import-export company sa loob ng 10-taon.
Matapos aniyang alisin nito ang serbisyo ng nasabing law firm, ay nagtayo ng sariling negosyo si Tan ng export-import business ng mga Korean goods na kahalintulad ng negosyo ng nasabing negosyante.
Napagbintangan din aniya ito ni Tan na nagsumbong sa Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) upang harangin at kumpiskahin ang produkto nito ng kumpanyang L and K Beverage International Trading Inc. dahil sa hindi pagdedeklara ng tamang buwis.