MANILA, Philippines - Isang Vietnamese national ang nakatakas mula sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) habang binabantayan ito sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Atty. Elaine Tan, tagapagsalita ng BI, iniutos na ni Immigration Commissioner Atty. Siegfred Mison ang paghahanap sa dayuhang si Phan Tan Loc matapos makawala sa mga nagbabantay noong Sabado ng umaga sa NAIA Terminal 3.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon kung may nangyaring anomalya sa pagitan ng nasabing dayuhan at ng hindi pinangalanang mga immigration officers na posibleng maharap sa kasong administratibo sakaling mapatunayang nagpabaya sa tungkulin.
Sinabi ni Tan na pinigilang makapasok sa bansa si Phan matapos mabigo itong ibigay ang detalye kung saan ito mananatili sa bansa at nagsinungaling na may kasintahan itong Pinay. Nakakapagtakang nakalusot ito sa mahigpit na security checks ng mga immigration officers.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan na umano ang BI sa mga airline company at sa Vietnamese Embassy upang mahanap ang nasabing dayuhan. (Doris Franche-Borja)