Walang banta ng terorismo sa MM-PNP
MANILA, Philippines - Walang namomonitor na banta ng terorismo ang mga operatiba ng pulisya sa Metro Manila.
Kasabay nito, tiniyak ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac sa publiko na hindi lalawak ang banta ng terorismo sa Mindanao sa National Capital Region.
Sinabi ni Sindac na kontrolado ng mga awtoridad ang sitwasyon sa Mindanao at nagpapatupad ng mahigpit na seguridad upang masupil ang banta ng terorismo para hindi na ito kumalat pa sa mga komersyal na distrito ng Metro Manila gayudin sa iba pang lungsod.
Inihayag ni Sindac na unang nakatanggap ng intelligence report ang PNP sa mga potensyal na banta ng terrorist group umpisa pa noong Hunyo 21 na nagpapatuloy sa mga target na lungsod sa Mindanao Region.
Nangunguna sa talaan ang mga Davao City at Cagayan de Oro City, gayundin ang iba pang kalunsuran sa katimugang bahagi ng bansa.
Dahil dito ay hinihikayat naman ng mga opisyal ng security forces ang taumbayan na higit pang maging vigilante at makipagkoordinasyon kaagad sa publiko.
“At this level, we are just more of preemptive and proactive in our operations to prevent any implementation or enforcement of that threat,” giit pa ng opisyal.
Kaugnay nito, sa kabila ng wala namang banta sa Metro Manila ay triple ang bilang ng checkpoint operations na ikinasa ng pulisya.
Samantalang maliban dito ay tuluy-tuloy din ang inilunsad na Oplan Katok ng PNP bilang bahagi naman ng kampanya kontra loose firearms.
- Latest