MANILA, Philippines — Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na suspendihin sa Senado sina Senador Ramon “Bong” Revilla at Jose “Jinggoy” Estrada na kapwa nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Naghain ng magkahiwalay na mosyon ang Ombudsman sa First at Fifth Division na may hawak sa kaso nina Revilla at Estrada.
"To prevent the accused from committing further acts of malfeasance, tamper with documentary evidence and intimidate or influence witnesses in the case, it is necessary that the accused be suspended from the office while the case is pending in court," nakasaad sa mosyon.
Kaugnay na balita: 'Pork' prosecutors kinuwestiyon ang kredebilidad
Bukod sa dalawang senador, hiniling din ng Ombudsman na suspendihin ang tauhan ni Revilla na si Richard Cambe na nakatalagang Director 3 sa Senado.
Tinukoy ng piskal ang Section 5 ng Republic Act 7080 kung saan nakasaad na ang sinumang nahaharap sa kasong plunder ay mawawawalan ng mga benepisyo habang dinidinig ang kaso.
"The court is bound to issue an order of suspension as a matter of course, and there seems to be no ifs and buts about it," nakasaad pa sa mosyon.
Kaugnay na balita: Jinggoy 'di nag plea sa Sandiganbayan
Nilagdaan nina Acting Director Danilo Lopez at Deputy Special Prosecutor John Turalba ang mga mosyon.
Sinasabing kumita ng P224 milyon si Revilla sa pagpasok sa pork barrel scam, habang P183 milyon naman ang nakubra ni Estrada.