MANILA, Philippines - Hinikayat ng Department of Health-Mimaropa (Mindoro Marinduque Romblon Palawan) ang mga residente lalo na ang mga kabataan na mag-donate ng dugo upang mapataas ang kalidad, supply ng dugo at blood products sa rehiyon.
Ayon kay DOH Regional Director, Dr. Eduardo C. Janairo, ang pagdo-donate ng dugo ay mahalaga dahil naiiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso ng isang blood donor.
Sinabi naman ni Dra. Alice Fetalvero, chairman ng Romblon Provincial Blood Control na mahalagang makapag-donate ng dugo para sa healthy lifestyle habang pinalalakas ang katawan ng mga donors.
Nakakapagligtas din ng buhay ang paghahandog ng dugo.
Mas maigi rin ani Dra. Fetalvero na ugaliing magdonate ng dugo tuwing ikatlong buwan ng taon lalo na ang mga kabataan.
Maaring mag-donate ng kanilang dugo ang mga edad 16-65, (ang 16 at 17 anyos ay nangangailangan ng parental consent), may timbang na 110 pounds (50 kg) at nakapasa sa physical, health history and lifestyle assessment sa panahon ng screening.