Mayor, 7 pa 10 yrs. kulong sa procurement fraud

MANILA, Philippines - Hinatulan ng Sandiganbayan na mabilanggo ng mula 6 hanggang 10 taon si Aloguinsan, Cebu Mayor Cynthia Moreno at pitong iba pang opisyal ng bayan matapos mapatunayang guilty sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng construction materials noong 2007.

Sa 27 pahinang desisyon ng Sandiganbayan 1st division, kasama ni Moreno sa mabibilanggo ang mga opisyal sa Bids and Awards Committee na kinabibilangan nina Municipal Civil Registrar Pepito Manguilimotan (chairman), Municipal Budget Officer Nonela Villegas (vice-chairman), mga miyembrong sina Marilyn Flordeliza, Gertrudes Ababon, John Lim, Emilia Luz Celis at Chairman ng Technical Working Group (TWG) na si Municipal Engineer Orven Nengasca.

Pinagbabawalan na rin ng batas na makapagtrabaho pa ang mga ito sa alinmang tanggapan ng gobyerno.

Nag-ugat ang kaso sa pagbili ng 311 sheets ng composite aluminum panels at iba pang construction materials ng lokal na pamahalaan na may hala­gang P1,190,037.50 ng walang naisagawang bidding.

Dapat sana’y magkakaroon ng bidding para sa procurement ng mga materyales noong August 25, 2007 pero hindi na ito nangyari dahil agad nang bumili ang mga akusado ng mga materyales bunga ng umano’y pagkukutsabahan ng mga ito.

 

Show comments