Bom Panot at Boy Pickup, alagang daga ni Sen. Bong

MANILA, Philippines - Dagang kanal mang naturingan at hindi dagang kosa, inaalagaan na ngayon ni Sen. Ramon ‘Bong “ Revilla ang dalawang daga sa selda nito sa PNP–Custodial Center sa Camp Crame.

Sa panayam  sa Camp Crame, sinabi ng media officer ni Bong na si Clifford Elorde, sa  katunayan ay pinangalanan ni Bong na “Bom Panot” ang isa sa mga daga dahilan halos nakakalbo na ang mga balahibo nito.

Ang isa namang daga ay madalas  umanong suma­lisi sa kaniyang mga pagkain ay pinangalanang “Boy Pickup” ni Bong.

“Alaga na ngayon ni Bong yung mga daga, hindi naman siya takot, pinakakain nga niya at kinakausap yung mga daga eh”, ayon pa kay Elorde.

Taliwas naman sa napaulat na may mga ipis sa kulungan ni Bong, sinabi ni Elorde na malinis naman ito bagaman may dalawang dagang kanal na sumasalisi sa loob ng detention cell ng Senador.

Nang matanong naman kung pinatatamaan ni Revilla sina Pangulong Benigno Aquino III sa Bom Panot at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa “Boy Pickup”, sinabi ni Elorde na bahala ng magbigay ng interpretasyon ang sinuman.

Magugunita na sa kaniyang privilege speech sa Senado ay binansagang “Boy Pickup” ni Revilla si Roxas sa gitna na rin ng mainit na isyu at balitaktakan sa kontrobersyal na pork barrel scam.

 

Show comments